Saturday, January 28, 2017

Hindi Pansing Sining


            Dilaw, kahel at rosas –mga kulay na bumubuo ng isang takip-silim o sunset sa Ingles. Ito ay nakamamangha, hindi ba? Magkaiba man sila sa isa’t-isa, maganda at kaaya-aya naman ang resulta kapag pinagsama. Ang pagtira sa Pilipinas ay parang pagsaksi ng isang takip-silim. Puno ito ng iba’t-ibang kultura, tradisyon at dayalekto. Bikolano sa Bikol at Cebuano sa Cebu, Chavakano naman sa Zamboanga at marami pang iba. Isang bansa ngunit mahigit isang daan at limampu na wika, hindi ba kayo namamangha o kaya ay nagtataka kung paano tayo nagkakaintindihan bilang mga taong naninirahan sa iisang bansa? O, sadyang hindi niyo lang ito pansin sapagkat wala kayong pakialam?

          Marahil ay nakasanayan na natin ang pagkalikas ng wika kaya atin itong binabalewala. Ngunit hindi ba natin naisip kung papaano tayo kapag ito ay biglang maglaho na parang bula? Musika, mga telenobela at ang mga paborito nating libro ay hindi magiging posible kung wala ito. Ang wika ang siyang nagsisilbing kaluluwa sa ating bansa, ito ang nagbibigay buhay nito. Ito ang nagsisilbing tulay tungo sa ating pagkakaisa at nagbibigay katauhan sa atin bilang mga Pilipino. Wikang Filipino ang ating wikang pambansa. Gamit nito, tayo ay nagkakaintindihan, magkaiba man ang ating nakagisnang wikain. Ayon kay Charles Darwin, ang wika ay isang sining dahil kailangan pa itong pag-aralan upang matutuhan sapagkat hindi ito tunay na likas. May tinatawag tayong unang wika, ikalawang wika at ikatlong wika. Ang unang wika ay ang ating mga katutubong wika na siyang ginagamit natin sa pang araw-araw. Mas naihahatid natin ang ating mga saloobin kapag ito ang ating gamit. Kapag may paulit-ulit na exposure ang tao sa isang wika ay unti-unti niya itong natututuhan, ito ang kanyang magiging ikalawang wika. Sa paraang ito nagaganap ang bilingguwalismo. Natutuklasan ang ikatlong wika kapag tayo ay nakikiangkop sa mundong ating ginagalawan. Ang tao na may mahigit dalawang alam na wika ay tinatawag na multilingguwal.

        Lahat ng ito ay may saysay. Karapat-dapat lang nating mahilin at bigyang importansya ang wika. Sabi nga ni Gat. Jose Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” Gamitin natin ang wika sa angkop nitong layunin, kaibigan atin itong payabungin! Halika’t samahan mo akong yakapin ang kagandahan ng hindi pansing sining.


No comments:

Post a Comment